PANGUNANG SALITA:
Ang mga tao sa lalawigan ay nakilala ng payak. Payak ang uri ng pamumuhay, payak na hangarin
at payak na kaligayahan. Mas gugustuhin nilang tumira at makita ang mga likas na kagandahan ng bansa kaysa sa manatili sa
maingay at makabagong lungsod. Noon iyon. Iba na ang takbo ng isipan nila ngayon. Kung dati'y mas gugustuhin nilang marinig
ang mga likas na ingay na likha ng mga hayop at halaman, ngayon, mas lalong di nila matitiis ang pagkalam ng kanilang mga
sikmura. Mas gugustuhin na nila ang tumira sa maingay at makabagong lungsod upang kumita ng mas malaki kaysa ang panghabang-buhay
na tiisin ang kahirapan sa kanilang kinalakhan na itinuring na nilang paraiso. Sa pagdaan ng mga panahon, ang pag-iisip na
ito'y patuloy na lumulubha, mas lalong nakapagpapahibang. Ang tingin ng mga taga-lalawigan sa Maynila ay sentro ng komersyo,
saya at kayamanan kung kaya't patuloy ang pagsiksik nila dito. Ngunit di nangangahulugang ang isang taga-lalawigan ay di karapat-dapat
pumunta dito sa lungsod. Kailangan lamang nila ng pansamantalang tirahan. Ang ilan sa kanila ay nagsadya rito upang mamasukan
ng katulong o maghanap ng trabaho. Mga pagbabasakaling sa kalimitan ay nauuwi sa kasawian.
KALAGAYAN SA PILIPINAS:
Sa isang bansang sentralisado, pamahalaan, komersyo pati ang kaisipan, di talaga nalalayo ang
ganito kasikip na Maynila. Ang lungsod na ito ay patuloy na sumusikip dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga ito upang makahanap
ng permanenteng mapagkakakitaan. Tulad ng naunang nasabi, hindi masama ang pagpunta rito sa Maynila lalo na't ang nais ay
makakita ng mga bagong tanawin. Ngunit ang masama lang, kapag nabigo sa kanyang pakay o nawalan ng permanenteng trabaho, ay
magiging pakalat-kalat sa kalye at magtatayo ng mga "bahay" sa ilalim ng mga tulay, gilid ng kalsada at mga bakanteng lote.
Isa ring itinuturong dahilan ang di pantay na distribusyon ng populasyon ay ang pagkakaroon ng
mga pulubi sa mga lansangan na sadya namang nakapagpapapangit sa tanawin. Ang ilan sa mga ito ay nagiging mga kawatan o di
kaya'y nagiging sakit ng ulo sa lipunan kapag ang mga hinahangad ay di nakamit. Hindi ito para sa pangkalahatan. Ang mga ito'y
ibinabase lamang sa mga naunang pagsusuri at pagmamatyag ng mga kinauukulan.